Friday, May 8, 2009

Isang Sulat

Guro,

Ginagalangan kong dakila, lumikha sa libu-libo, kawangis mo'y pintor, makulay na ipinipinta ang sa ngayon.


Mula't sapul mukha mo'y akin nang napagmamasdan pagpasok pa lamang sa pintuang puno ng mesa't upuan; Pagtatanong sa sarili sakdal nabuo, kung bakit nandito at nakaupo, hawak mo pa nga'y parang pamalo at isang panulat na bato, hanggang sa magsimulang magsalita't magpaintindi sa mga matang matyag sayo'y nakatitig. Layon mo nga sigurong ipakilala ang mundo, ang mabuti at kasamaan nito, upang ihanda kaming mga mura't salat.

Kumusta na! Sana nasa mabuti ka, magpalakas at magpakatatag sana para sa mga nangangailangan at kapus-kapalaran. Mahabang pagpapasensya at pagsasakripisyo ang mataman mong ginugol sa iyong oras, upang maihain ang ninanais na malaman, may katuturan, at kapaki-pakinabang, hindi ba marapat lamang parangalan ang ganyan, tumatawa-tawa ka sa aming harapan, bagkus maaaring may hapding ikinukubli sa katawan. Magkagayunman, andiyan pa rin ang iyong suporta't pag-aalala, kahit sa hindi kadugo't kalaman. Sa kabataan nagsisilbi kang ilaw sa madilim na daan, kaya nga't tawag sayo'y Pangalawang Magulang, Ikaw talaga'y natatangi pagkat bibihira ang tulad mo, hindi ko sinasabing "hybrid", siguro "endangered" lang, isa pa tanging bukal sa puso ang pagtanggap mo sa lahat ng bagay, na kinakaharap mo, kaya nga't ikaw ang aming tinitingala magmula rito, patungo sa mga susunod pang henerasyon. Isa lang ang aming masasabi - Salamat, salamat at salamat pa rin, sa mga kontribusyon at mga leksyon, nawa'y boses at laway mo'y hindi mapunta sa wala. Magsiksp, Magtiyaga - gasgas nang pananalita, subalit sana'y matupad ng mag-aaral sa kasalukuyan. Sa bilis ng pag-ikot at pagbabago ng nagpapalit-anyong mundo, kailangan namin kayo upang matuto at makaunawa sa takbo ng panahon.

Nagmamahal,
Mag-aaral

0 komments:

Post a Comment

Thank You for commenting..please come back again! GodbLz!